Friday, July 10, 2009

SIMULAIN ng Partido

NILULUGAMI man ang mamamayan sa patuloy na araw-araw nilang laban, sa gitna ng maraming kalituhan, ay nagpipiga ng lakas para makakain ng tatlong ulit maghapon, mula pagsikat, hanggang paglubog ng araw. At ang oras sa maghapon ay hindi sapat. Nasa kaibuturan din nito ang hindi matapos-tapos na suliranin ng kahirapang laganap pa rin sa mamamayan. Anupat sa mga nagdaang kilusang bayang nakibaka sa ganitong layunin, tila hindi pa matanaw ang pag-asa ng paglaya mula sa kagutuman.


IBINASURA man ng mamamayan ang mga nagdaang kaisahan na tila hindi nakaigpaw sa sarili nitong mga suliranin, panloob man o panlabas, ay hindi naman nararapat na mawalan ng loob sa panibagong pagkakaisa, lalo na kung ang kaisahan sa hinaharap, ay patungo rin sa mga layuning niluma na ng panahon. Kung saan ang kahirapan ng bayan, at ang kagutuman ng mamamayan, ay naririyan pa rin.


LABIS-LABIS man ang naging pagkaunsyami ng mamamayan sa mga nahalal na pinunong bayang pambansa at lokal, ay kakambal naman ng pag-asa nila sa magiging ambag ng bawat isa tungo sa pagkaganap ng matagal na nilang inaadhika.


ORGANISADO man o ispontanyo, ang gawain sa PAGKAKAISA ay hindi nilulumot at isinaisantabi. Bagaman ang mga pagkilos ay nababalam sa maraming dahilan, ang pag-asa sa kaganapan ng KAUNLARAN ay hindi naglalaho. Na kung may katugunan man ang gutom at hirap ng bayan, ay tayo ang makasasagot. Na kung patuloy man ang pagkayupapa ng mamamayan sa kawalang pag-asa, ay tayo rin ang makapagsusuhay ng kanilang mga pag-asa.

No comments:

Post a Comment