skip to main |
skip to sidebar
Pinangunahan ni Atty. NILO T. DIVINA ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na pinuno ng Kapit Kamay Tungo sa Pag-unlad (KKTP), isang samahang progresibo na kinabibilangan ng mga lider pamayanan sa Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Caloocan. Si Atty Divina ang napiling Panauhing Pandangal ng nasabing samahan.
Ang KKTP na kasalukuyang pinangunguluhan ng bagong halal na Pangulo nito na si G. Manuel Morante, dating Kagawad ng Barangay 120, ay isang lokal na samahang kaugnay o kasanib ng AKBAYAN, isang multisektoral na lapiang pampulitika sa Kongreso.
Sa naging pahayag ni Atty. Divina sa kaniyang talumpati
pagkaraan ng panunumpa sa tungkulin ng mga nahalal na pinuno, kinikilala niya ang malaking ambag ng AKBAYAN sa pagsusulong at pagtatanggol nito ng mamamayan sa larangan ng katarungang panlipunan, kapangyarihang bayan, at pagpapaunlad ng mga pamayanan. Lubos aniya ang kaniyang pakikiisa sa mga nabanggit na layunin.
Tinagubilinan din ni Atty. Divina ang mga pinuno at kasapi ng KKTP at AKBAYAN na patuloy na magkaisa at kumilos para sa mga nabanggit na layunin, lalo na ang pagsusulong sa kapakanan ng mga maralitang mamamayan sa mga komunidad.
Dumalo din sa pagtitipong ito ang kasalukuyang Pangulo ng Akbayan Caloocan na si G. Antonio Magandi.
No comments:
Post a Comment