Sunday, October 25, 2009

NOYNOY, 60% sa SWS

Tanong: Sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon, ang termino ni Pangulong Arroyo ay hanggang 2010 lamang at magkakaroon ng halalan sa pagka-Pangulo sa Mayo 2010. Sino-sino sa palagay ninyo ang mga magagaling na lider na dapat pumalit kay Pangulong Arroyo bilang President” (UP TO 3 ANSWERS ONLY)

Resulta: NOYNOY AQUINO, 60%; Villar, 37%; Estrada, 18%; Escudero, 15%; Roxas, 12%; de Castro, 8%; Legarda, 5%; Teodoro, 4%; Lacson, 2%; Binay, 2%; Fernando, 1%; Villanueva, 1%; GMA, 0.5%; Don’t Know, 6%; None, 4%.

Ayon kay Mahar Mangahas ng SWS, tinawag niya itong “climate change” ng halalang 2010 dahil mula 2007, hindi lumilitaw ang pangalan ni Noynoy Aquino sa mga “survey” na ito.

Ang tanong sa itaas na ginamit sa “survey” ay isang “tracking system” na ginagamit ng SWS simula Setyembre 2007, tuwing tatlong buwan upang matukoy sa pinakamalawak na paraan ang mga posibleng kandidato sa 2010 halalang Pampanguluhan. Sa loob ng 2 taon mula nang sinimulan ang “tracking system” na ito, Si Villar at Teodoro lamang ang umangat ang “ratings” (4%, 3% ayon sa pagkakasunod-dunod). Ang iba pang 7 ay bumaba na may kabuuang netong puntos na 41 (48-4+3).

Ibig sabihin nito, mahigit dalawang katlo (2/3) ng 60% na nakuha ni Noynoy ay galing sa 7 pangalan na bumaba ang “survey ratings”, o yaong karaniwang tinatawag na “bumaliktad” mula sa 7 patungo kay Noynoy. Ibig din sabihin, isang katlo (1/3) ng “respondents” ang idinagdag siya sa listahan ng mga pumapabor naman kay Villar at Teodoro.

4.2B, Office of President

Pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 4.2 bilyong pisong laang gugol sa 2010 noong ika-15 ng Oktubre para sa Tanggapan ng Pangulo.

Inangalan ni Cong. Guingona ang pagkakamal ng Tanggapan ng Pangulo ng kabuuang 48% na katumbas ng 1.3 bilyon “intelligence fund” kumpara sa DND na 12% lamang, 9% sa military, at 3% sa National Intelligence Coordinating Agency kung saan lalong higit itong kailangan.

Ipinagtanggol ni Cong. Lagman ang Pangulo sa pagsasabing ang Pangulo ang pinakamataas na pinuno ng bansa at huwag itratong mababang antas ng pinuno o burukrata lamang.

Kaugnay nito, sinita din ni Cong. Guingona kung bakit lumagpas sa “travel budget” ang gastos dito ng Pangulo, at nagamit ang “contingency funds” para sa mga biyahe ng Pangulo sa ibang bansa.

Sinagot muli ito ni Cong. Lagman ng: “What’s spent by the President should be reported, what’s spent by other officials should be reported, but not in such details as to make her an ordinary bureaucrat”.

2010 Budget

Pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang laang gugol ng pamahalaan para sa taong 2010 makaraan ng 2 linggong debate sa ikalawang pagbasa nito noong ika-16 ng Oktubre na inabot ng 17 oras na natapos ika-2:00 na ng madaling araw.

Higit na mataas ito ng mahigit 8% sa pinagtibay na laang gugol para sa 2009. Kalakhan ng halagang pinagtibay ay pambayad utang na magma- ”mature” sa isang taon, at sa dagdag sahod ng mga kawani ng pamahalaan.

Ang babayarang interes sa utang ng pamahalaan ay nadagdagan ng mahigit 88 bilyong piso, at lumobo na nga ito sa mahigit 340 bilyong piso.

Ganap itong pagtitibayin sa huli at ikatlong pagbasa sa Nobyembre matapos ang “recess” ng Kongreso.

Ayon sa marami, hindi isinaalang alang ng “budget” na ito ang epekto ng katatapos na bagyong “Ondoy” at “Pepeng” dahil sa kakulangan ng mga tadhana nito upang tulungan ang mga biktima ng kalamidad. Binigyang pansin din ng mga kritiko ang pagbawas sa nakalaan sa pagpapagawa ng mga dagdag na imprastraktura sa kalagayang marami ang napinsala, at karamihan ng mga proyektong ipinangako ng Pangulo sa kaniyang huling SONA ay hindi pa natatapos o naumpisahan.
Pinakamalaking alokasyon ay napunta sa DepEd na nagkakahalaga ng mahigit 172 bilyong piso.

Para sa DPWH 105.3 bilyon; DILG 65.4 bilyon; DND 62.7 bilyon; DA 37.8 bilyon; DOH 28.5 bilyon; DAR 19.7 bilyon; DOTC 15 bilyon; DSWD 14.5 bilyon; DOJ 13 bilyon.

Pinakatutok ng mga debate ay ang alokasyon sa mga ahensiyang COMELEC, MMDA, at DILG dahil sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga ahensiyang ito. Inilaan sa COMELEC lalo na sa gaganaping halalan sa 2010 ay 10.5 bilyong piso.

Pinakamalaking kabawasan sa pondo ang nangyari sa DPWH, DOTC, at DA.

Pinakamalaking karagdagan naman ay binigay sa DAR at DSWD, sapagkat ito ang tinuturing na “pet programs” ni Pangulong Arroyo, tulad ng “Tulay ng Pangulo bridge building project”, at ang “Pantawid Pamilya program”.

Pinaglaanan naman ang “pork barrel” (Priority Development Assistance Fund, PDAF o CDF) na nagkakahalaga ng 6.94 bilyong piso. Higit itong mababasa kung ikukumpara sa pinagtibay para sa 2009 na nagkakahalaga ng 9.7 bilyong piso.

Tuesday, October 13, 2009

UTANG

Sa ulat ng Kawanihan ng Pananalapi, umabot na sa 4.227 trilyong piso ang pasaning utang ng pamahalaang Pilipinas (Hunyo 30, 2009).

Dahil sa laki ng utang na ito, ang bawat mamamayang Pilipino na umabot na sa humigit kumulang 90 milyon ay kabahagi nito. Bawat isa ay may utang na 46,966 piso.

Lalo itong lumaki kumpara nung isang taon na 3.963 trillion dahil sa pandaigdigang krisis sa ekonomiya at kalakalan.

Sa kabuuan ng utang na ito, 2.38 trilyong piso ay bayarin sa mga lokal na pinagkakautangan (domestic sources / creditors), samantala ang 1.85 trilyong piso ay utang panlabas.

Ang mga utang mula sa “domestic creditors” ay nautang sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga “treasury bills” (T-bills). Ang mga utang panlabas ay madalas galling sa Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB).

Nauna nang sinabi ng Kagawaran ng Pananalapi na ang kabuuang utang ng pamahalaan ay katumbas ng 56% ng pambansang ekonomiya ayon sa panukatan ng “gross domestic product” (GDP). Lubha itong mataas kumpara sa tantos na 36% lamang ng iba pang bansa sa Timog Silangang Asya.

GUTOM AT GLOBAL WARMING

Ayon sa mga eksperto, ang bagyong Ondoy at Pepeng ay bunga ng “climate change” o “global warming”.

Ang global warming ay sanhi ng polusyon at mga aktibidad ng tao na nagiging dahilan ng unti-unting pagtaas ng temperatura ng mundo. Ang init na ito ay pumapaligid sa “atmosphere”, na siyang nagkukulong ng iba pang init mula sa kalupaan at kalawakan. Hindi na ito makalabas pa sa “space”, sanhi upang matunaw ang mga yelo, at mag-”evaporate” ang mga ilog at dagat at manatili sa ulap. Paglamig nito, ay bubuhos bilang malakas at walang tigil na ulan.

Ayon sa International Food Policy Research Institute (IFPRI) sa Washington USA, sa inilabas nilang pag-aaral na “CLIMATE CHANGE: IMPACT ON AGRICULTURE AND COSTS OF ADAPTATION”, 25 milyong bata ang magugutom sa 2050 bunga ng “global warming”.

Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang maging bahagi ng ulat ng Asian Development Bank at World Bank. Inilabas ang resulta ng pag-aaral kasabay ng serye ng pandaigdigang pulong hinggil sa “climate change” na ginanap sa Bangkok Thailand.

Upang mapigil ang bantang kagutumang ito sa daigdig, nagpanukala sila na dagdagan ng 7 bilyong dolyar ang pamumuhunan sa mga pananaliksik pangsakahan, pagpapahusay pa ng sistemang patubig, at pagsasaayos ng mga kalsada mula bukid hanggang palengke upang lalong matulungan ang mga magsasaka. Bahagi ng panukala nila ang pagpapabuti ng sistema sa distribusyon ng inuming tubig at edukasyon ng mga batang babae.

Anila, kung hindi matutugunan ang pangangailangan sa nagbabagong panahon, mababawasan ang napatutubigang lupang agrikultural ng 15% hanggang 30%.

Kahit walang usapin sa “climate change”, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pagkain, ngunit dahil sa “climate change” o “global warming”, lalo pang malala ang pagtaas ng mga presyo ng mga pagkaing ito mula 40% hanggang 194%.

Isinaalang-alang at ginamit sa pag-aaral ang iba-ibang modelo ng klima na nagpapakita ng pagbabago sa dami ng ulan at temperature upang maihugis ang modelong pangkabuhayan ng pandaigdigang agrikultura. Ang modelong pangkabuhayan o ekonomiya ay siya namang nagpapakita ng produksiyon, distribusyon, at kalakalan.

Ayon sa pag-aaral, higit na apektado ang mga bansang mahihirap sa Africa at Timog Asya. Ang pagsasaka na ikinabubuhay ng mga bansa sa lugar na ito ay apektado dahil ang agrikultura ay nakadepende sa panahon o “weather”. Pinakakawawa sa lahat kung magkakataon ay ang maliliit na magsasaka.

Ang malawak na kagutuman na bunga ng mababang ani, at mataas na presyo sa hinaharap ay maiiwasan pa rin kung susundin ang panukala ng pag-aaral sa lalong madaling panahon.

KAUNLARAN, posible pa ba?

Nang magpahayag si Noynoy Aquino ng kaniyang kandidatura bilang Pangulo ng Pilipinas, sinabi niyang ipagpapatuloy niya ang sinimulan ng kanyang mga magulang, lalo na ang mga programa ng kaniyang ina, Cory Aquino. Balik-aralan natin sa kasaysayan kung ano ang sinasabi ni Noynoy na kaniyang ipagpapatuloy.

Ilang buwan bago naging Pangulo si Gng. Aquino noong 1986, naglabas ng dokumento ang University of the Philippines School of Economics na nagsabing “The search for a recovery program that is consistent with a debt repayment schedule determined by our creditors is a futile one and should therefore be abandoned.”

Ang usapin ng pagbabayad sa utang panlabas ng bansa ay naging pangunahing usapin sa pag-upo ni Gng. Aquino ng taon ding iyon. Matatandaang pagkaupong-pagkaupo ni Gng. Aquino, pinuwersa siya ng IMF-WB (International Monetary Fund at World Bank) sa tulong ng mga komersiyal na bangkong kasangga nila na bayaran ang mga nasabing utang. Ang mga utang na ito ay nautang pa sa panahon ng pamahalaang Marcos. Sa madaling sabi, walang ibang naging pamimilian si Gng. Aquino kundi ang magbayad o hindi magbayad, sa kaalaman ng lahat na ang kabang bayan ng panahong iyon ay halos wala.

Naging magkasalungat ang Central Bank (sa pamumuno ni Jobo Fernandez) at NEDA (sa pamumuno ni Solita Monsod). Gusto ng Central Bank na bayaran ang mga utang na ito upang makaiwas sa mga parusang igagawad ng mga tagapagpautang tulad ng pagtigil ng pakikipagkalakalan sa atin ng ibang bansa, at paghinto ng tulong mula sa dayuhang bansa, na lalong magpapahirap sa mamamayang Pilipino. Ayon naman sa NEDA, ang alinmang nalalabing panalapi sa kabang bayan ay kailangang ilaan sa “domestic investment” o pagpapaunlad at muling pagbangon ng bansa, samakatwid ay nararapat ilaan ang gugol sa loob ng bansa.

Pinanigan ni Gng. Aquino ang Central Bank sa paglalabas nito ng Proclamation 50, at Executive Order 292 bilang pagkatig sa orihinal na tadhana ng PP 1177 ni Marcos na otomatikong maglalaan ng pambayad utang mula sa “national budget” taon-taon. Kasama sa babayarang ito ang walang pakinabang na Bataan Nuclear Power Plant.

Mula 1986 hanggang 1993, 8-10% ng gross domestic product o GDP ng bansa ang naibabayad sa utang panlabas taon-taon. Nakakapagtaka ang nangyari pagdating ng 1993, dahil sa halip na mabawasan ang utang panlabas, lalo itong nadagdagan. Mula 1986 hanggang 1993, nagbayad ang pamahalaang Aquino ng 30 bilyong dolyar ($30B), sa kabila ng $21B lamang ang aktwal na kabuuang pagkakautang ng bansa sa mga dayuhan. Nangyari ito dahil ang interes ng utang ayon sa kasunduan ay “variable” o batay sa pabago-bagong “rate” ng mga bangko. Kaya sa halip na mabawasan ang utang, lomobo ito sa $29B noong 1993, sapagkat napipilitan ang pamahalaan na mangutang muli upang bayaran lamang ang dati nang utang. Uutang para lang magbayad!

Sa kabuuang gastos ng pamahalaan, 7% lamang ang katumbas ng bayad interes sa dayuhang utang noong 1980, naging 28% noong 1994. Ang bayad sa kapital ng utang ay 26% ng “national budget, pero bumaba sa 16% noong 1994.

Naging pangunahing laan ng pamahalaan ang pagbabayad utang, kakambal nito ang pasweldo sa mga empleyado at pinuno ng gobyerno. Halos wala nang natira pa sa tinatawag na “capital expenditures”. Ang “capital expenditures” ay ang pondo o gastusin ng gobyerno na inilalaan sa mga “subsidies” sa mga “state universities” upang bumaba ang matrikula, sa NFA upang bumaba naman ang presyo ng mga pagkain, sa mga hospital upang bumaba ang presyo at dumami ang “stock” na gamot, sa NAPOCOR at mga water district upang bumaba ang bayarin sa kuryente at tubig, sa mga pagawain tulad ng dagdag na “class room”, kalsada, hospital, at iba pang imprastraktura.

Ipinatupad ng Pamahalaang Aquino ang mga patakarang minana sa Pamahalaang Marcos, at ayon ito sa tadhana ng “Structural Adjustment Programs” o SAP na ipinatutupad ng IMF-WB lalo na sa mga bansang kabilang sa “third world” o “underdeveloped countries”. Ang SAP ay naglalayong siguraduhing makakabayad ng utang ang isang bansang nangutang, sa pamamagitan ng pagtitipid, kahit pa masakripisyo ang mahahalagang programa ng gobyerno para sa kaniyang mamamayan, mga programang para sa tao at imprastraktura na saklaw ng tinatawag na “capital expenditures”.

Sa kaparehong panahon, mula 1987 hanggang 1991, nakatanggap ng dayuhang puhunan (Japan) ang bansa ng $797M, kumpara sa natanggap na puhunan ng Thailand na $23B.

Tumanggap din ng dayuhang puhunan mula sa Taiwan at Hongkong ang bansa na may kabuuang $1.6B, kumpara sa natanggap ng Thailand na $24B.

Ibig sabihin, ang pamumuhunan ng mga dayuhang bansa ay higit na pumapasok o pumapabor sa mga bansang higit na malulusog ang ekonomiya, kung saan malaki ang kikitain nila sa kanilang ipupuhunan. Kumpara sa Pilipinas, malaki ang laang gugol ng Thailand sa “capital expenditures” nito sa parehong panahon.

Dahil dito, sa buong panahon ng pamahalaang Aquino, 1-2% lamang ang paglago ng ekonomiya ng bansa, kumpara sa iba pang bansang Asyano na pumalo sa 6-10% taon-taon. Dahil ito sa halos walang dayuhang puhunang pumasok sa bansa, taliwas sa pambobola ng Central Bank kay Gng. Aquino na hindi umano matatakot ang dayuhang mamumuhunan sa atin pag masunurin tayong magbayad ng utang panlabas.

Kung paano tayo makakaahon sa sumpa ng utang panlabas, mainam pag-aralan ang karanasan at ipinakitang “political will” ng Argentina noong 2002. Pareho nating lubog sa dayuhang utang ang Argentina. Mula 2003 hanggang 2008 at sa kasalukuyan, lumago ang ekonomiya ng Argentina 10% taon-taon.

Ang determinasyon ng mga pinuno sa Argentina na ilaan ang pondo nila sa “domestic investment” sa halip na ipambayad lamang sa utang panlabas ang nagpaunlad dito, samantalang ang kawalan ng sariling pagpapasya sa panahon ni Gng. Aquino lalo na sa usapin ng reporma sa lupa, at pagbabayad ng utang panlabas, ang lalong nagpalubog sa hirap sa mamamayang Pilipino, at patuloy na nagpalubog sa panahon ni Gng. Arroyo, at patuloy ding magpapalubog sa habang panahon.

Sa papalapit na halalang 2010, tanungin natin ang mga kandidato nating “congressman”, senador, at Pangulo, kung ano ang “advocacy” nila tungkol sa usapin ng pagbabayad utang panlabas, na noon pa nagpapahirap sa mamamayan, panahon pa ng pamahalaang Marcos hanggang sa ngayon. Sa katotohanan, mas maliit na “budget” sa pagbabayad ng utang panlabas ay nangangahulungang mas malaking pondo para sa “domestic investment”. Malaking pondong laan ng gobyerno sa “domestic investment”, mas malaking “pork barrel” at Internal Revenue Allotment sa lahat ng pulitiko. Sa isang banda, pabor na sa kanila, pabor pa din sa atin.

Ang kahirapang dulot ng marahas na patakaran sa pagbabayad ng utang panlabas ay nararapat maging pangunahing “agenda” ng sinumang naghahangad maglingkod sa bayan, lalo na sa pambansang antas, sapagkat ang kaunlaran at simula ng wakas ng kahirapan ay magsisimula lamang sa unang oras na nabigyan ng solusyon ang utang panlabas.

Ang mga pulitiko o pinuno ng pamahalaan na hindi man lang pag-iisipan ang problemang ito, ay walang karapatang maglingkod sa taong bayan.

MAR: Bayan bago ang sarili

(Kabuuan ng kaniyang talumpati upang ipahayag ang kaniyang pagbibigay daan sa kapartidong si Sen. Noynoy Aquino ng LP sa Pampanguluhang 2010)

Bayan Bago Sarili. Iyan ang habilin ng aking lolo, President Manuel Roxas.
Our nation is in trouble. Leadership is bankrupt. Institutions are in disarray. People are hungry.
Noynoy Aquino and I share the same outrage over the mess we are all in, the same way we share the solution - clean, honest, selfless public service.
Marami at matindi ang mga problema ng bansa. Kailangan nating ayusin. Matindi ang kalaban. We need a determined force for good far stronger than the festering evil around us.
We need to fight just as our own fathers fought dictatorship, and just as both died believing that good will conquer evil.
Noynoy and I want to make a difference, but we also know that we need to unite to achieve what we want.
I am the President of the Liberal Party.
It is within my power to preside over a potentially divisive process or to make the party a bridge for the forces of change. I choose to lead unity, not division. Bilang pinuno ng aking Partido, magdedesisyon ako.
Mahal ko ang Partido Liberal. My grandfather founded it. My father led it during the most difficult times of Martial Law. Sa harap ng peligro, sa kabila ng napakaraming tukso - hindi siya sumuko.
He inspired me - to stay the course, to fight the good fight, to pass the test of true character. To believe.
Over the weekend, Noynoy and I had many long conversations... Masinsinang usapan. We agreed: Let us forget about ourselves for a moment. This is not about us, this is about our people and our country. This is about our common dream. The dream of our parents.
But let us not remain a country of dreamers. Tama na ang pangarap. Gawin na natin, ngayon.
Today, I am announcing my support for the candidacy of Noynoy Aquino for President in 2010.
Noy has made it clear to me that he wants to carry the torch of leadership.
The passing of our beloved former President Aquino has reawakened a passion among us. I acknowledge this as fuel to bring us to the realization of our dream: Good will triumph over evil.
Ito na ang pinakamabigat na desisyon sa buhay ko. Maniwala man kayo o hindi, ginagawa ko ito para sa bayan, para sa inyo. I do this for unity in support of change. And if that means that somebody must make the sacrifice, it must be me. Ako na.
To you Noy, I say: I began the campaign to sow the seeds para sa pagbabago at reporma. You must now be the one to grow them in the arena of leadership.
Hindi kami maghihiwalay ni Noy. I will stand with him.
At sa aking mga kababayan, sa mga nagtiwala sa akin: Mahal na mahal ko po kayo. Mahal na mahal ko po ang ating bayan. Hindi rin tayo maghihiwalay. Itutuloy natin ang pagbabago sa ating bansa. Itutuloy natin ang laban para sa reporma!
Kay Noy, at sa aking mga kababayan: Country above self! Bayan bago sarili!
Hindi ko kayo pababayaan! Lalaban tayo!

2010 AUTOMATED ELECTION

Ayon sa ginamit na pamantayan ng COMELEC sa ginanap na “bidding” kung saan nanalo ang SMARTMATIC, ang katangian ng botohan sa 2010 ay ang mga sumusunod:

1. Bago magsimula, ii-”initialize” ng BEI ang counter ng makina sa “0”, magpi-”print” ng “initialization report” sapagkat hindi pwedeng mag-umpisa ang botohan kung walang “initialization report”.
2. Bawat balota ay isusubo sa computer o makinang tinatawag na PCOS (precinct count optical scan). Ang PCOS ay katulad ng teknolohiyang OMR (Optical Mark Reader) kung saan ang balota ay babasahin ng isang “scanner”. Kung botante o technician, o isa sa BEI ang gagawa nito, ay hindi pa malinaw.
3. 2,000 “ballot sides”, o katumbas ng 1,000 balota ng 1,000 ding botante ang kayang i-”scan” o kopyahin ng makina , at isi-”save” ito sa “encrypted format” na “digital image”.
4. Isang makina ang gagamitin sa bawat 4 na “clustered precinct” o katumbas na 1,000 botante. Ang “printing” at “transmission” ng resulta ay hindi pa malinaw kung magmumula din sa mga makinang ito, o nakahiwalay ang gagamiting makina sa “printing” at “transmission” ng resulta bawat “clustered” precinct”. Kung black out, meron itong baterya na tatagal ng 12 oras.
5. Malalaman sa “display” ng makina kung tinanggap o nire-”reject” ang balotang isusubo dito. “Reject” ang balota kung higit na ito sa aktwal na bilang ng rehistradong botante. “Reject” din kung peke, pangalawang ulit nang isusubo, o balota ito ng ibang distrito o lugar.
6. Nakasulat na ang pangalan ng lahat ng kandidato sa lahat ng posisyon sa balota at mamarkahan na lamang. Babasahin ng makina ang mga “full” at “partial shades”, “check”, o “cross mark”, bolpen man o lapis ang pangmarka sa tapat ng bawat pangalan. Ngunit ayon sa COMELEC, magpapahiram sila sa botante ng akmang pansulat sa balota sa araw ng halalan. 15 segundo ang bilis ng pagbasa ng makina sa balotang isusubo, harap at likod.
7. Pagkatapos ng botohan, io-”authenticate” sa makina ng 2 BEI ang resulta, saka ito ita-”transmit” sa BOC (city hall) sa pamamagitan ng “onsite network access” o “internet”. Meron itong back up copy sa “USB” o “CD/DVD”. Bago isara ang halalan, magpi-”print” din ng ER ng “clustered precinct”, “audit log”, “transmission log”, at “statistical report”.
8. Upang i-”canvass” ang resulta sa distrito, mga resulta ng botohan sa makina ng “clustered precinct” ang gagamitin ng BOC sa sarili nitong makina sa “city hall”. Mga datos galing sa “transmission” ang gagamitin at hindi sa “back up CD/DVD” o “USB”.
9. Lahat daw ng gagamiting “hardware” o makina at pyesa nito ay “brand new”.

KUNG MAGKAKAROON MAN NG DAYAAN, walang makatitiyak. Ngunit isa lang ang malinaw, ang dating trabaho ng mga pollwatchers para bantayan ang boto ay hindi na epektibo sa 2010.

ELEKSIYON 2010

Sa ika-10 ng Mayo 2010, mahigit labinlimang libong posisyon ang ihahalal ng taong bayan sa buong bansa.

Maghahalal tayo ng isang (1) Presidente, 1 Bise Presidente, 12 Senador, 80 Gobernador sa mga lalawigan, 80 Bise Gobernador, 1,630 Punong Bayan at Lungsod, 812 Bokal, mahigit 13,000 konsehal pambayan at panglungsod, 219 kongresista, at 49 kongresistang Partylist.

Sa kabuuan, nahahati ang buong bansa sa 352,980 presinto, na binubuo ng mahigit 48 milyong rehistradong botante. 4 na milyon na ang tinatanggal ng Comelec sa listahan ng mga botante sa iba-ibang dahilan.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng halalan sa bansa, ngayon natin masusubok ang makabagong paraan ng paghahalal kung saan de-kompyuter na ang pagboboto at pagbilang ng boto.

Ayon kay Komisyoner Melo, ang Comelec ay maglalagay ng isang (1) makina sa bawat 1,000 botante. Katumbas ito ng apat (4) na pinagsama-samang presinto (clustered precinct). Sa kabuuan, 82,000 makina ang gagamitin para sa halalan.

Ayon pa rin sa mga tagapagtanggol ng “computerized election” mula sa Comelec, titiyakin nilang hindi sa mga makina manggagaling ang kapalpakan kung sakali mang magkaroon ng aberya sa halalan.

Ang mga dayaan tulad ng pag-nanakaw o pag-agaw ng balota, pananakot ng mga guro, pamimili at paghahakot ng boto ay maaaring nariyan pa rin.

Sabi naman ng mga walang tiwala, ang sistemang ipaiiral sa pamamagitan ng Precinct Count Optical Scan (PCOS), hindi nito tiniyak kung “verifiable” ba ang boto ng botante, na ang botong ito nga ang binasa talaga ng makina, sapagkat awtomatiko na ang pagtatala sa antas presinto at munisipyo.

Sa sistemang ito, sa sobrang bilis ng pagbilang, hindi na kailangan ng pollwatchers at iba pang tradisyunal na paraan upang mabantayan at mapangalagaan ang boto.

Dahil “software” ang nagpapagana nito, hindi rin bukas sa madla kung ang “program” na gagamitin ay malisyosong nakadisenyo upang magbawas o magdagdag ng boto na papabor sa isa o ilang kandidato.

Sa sobrang dami pa ring dapat na ipaliwanag sa bayan hinggil sa “election automation”, hindi konti ang nangangamba.


AGENDA 2013

FOOD SECURITY
(Pagtitiyak na may pagkain sa bawat mesa)

>Pagsasabatas at palagiang pagpapatupad ng programang “Tulong sa Mahirap”
>Pagsasabatas at palagiang pagpapatupad ng mga dagdag na suporta sa pamilyang mahihirap
>Pagsasabatas sa awtomatikong paglalaan ng tukoy na bahagdan mula sa netong kinita ng PAGCOR, at mula sa mga buwis na kinaltas sa sigarilyo, alak, at pook libangan
>Pagsasabatas sa awtomatikong paglalaan ng tukoy na bahagdan ng kita o buwis mula sa mga ni-“remit” na pondong galing sa mga OFWs, at ipapasa ang halagang malilikom dito sa pangangalaga ng NFA

RE-EMPOWERING BARANGAYS
(Pagpapalakas ng mga Barangay)

>Pagsasabatas ng mga mekanismo upang lalong mapalakas ang mga pamahalaang barangay, partikular ang mahalagang sandigan nito, ang mga halal at itinalagang pinuno at kawani
>Pagsasabatas ng dagdag na kapangyarihan at tungkulin sa Sangguniang Barangay, at paglalaan ng pondo rito upang ipatupad ang seryosong programang pangkalusugan ng mga kababaihan
>Pagsusog sa Cheaper Medicines Act 2008 na madagdagan ang listahan ng mga gamot sa Maximum Retail Price (MRP) lalo na sa gamot pang nanay, pang buntis, at pang-sanggol

EDUCATION
(Pagtitiyak sa maayos na pag-aaral at kinabukasan ng mga kabataan)

>Pagrebisa at pagpasa ng batas kaugnay sa Magna Carta ng mga Kabataang Pilipino
>Pagsasabatas ng mandatory summer job o internship o training, at titiyakin na ang lahat ng magtatapos ay makakahanap ng tamang trabaho

ENTREPRENEURSHIP
(Pagtitiyak sa pagkakaroon ng palagiang hanapbuhay para sa lahat)

>Pagpapasa ng batas na mag-oobliga sa mga bangkong pampamahalaan, at mga bangkong pagpapaunlad at komersyo na maglaan mula sa kanilang pondo ng 5-10% upang ipautang sa mga maliit na negosyante

Sino si TITA CORY?

(Halaw at salin mula sa artikulong nalathala sa Inquirer.net, Aug. 1, 2009)

Isinilang siya noong ika-25 ng Enero 1933. ika-7 at unang babaeng Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Nanungkulan si Gng. Aquino bilang Pangulo mula ika-25 ng Pebrero 1986 hanggang ika-30 ng Hunyo 1992.

Mayaman ang kaniyang mga magulang na sina Don Jose Cojuangco at Doña Demetria Sumulong. Ika-6 siya sa 8 magkakapatid.

Noong 1946, tumungo ang pamilya Cojuangco sa U.S. at nag-”enroll” siya sa Ravenhill Academy sa Philadelphia, ngunit natapos siya ng pag-aaral sa Notre Dame College sa New York. Pumasok at nagtapos din siya sa Mount Saint Vincent College, dito din sa New York noong 1949 sa kursong AB French. Bumalik siya sa Pilipinas noong 1953 upang kumuha ng Abogasiya sa FEU, ngunit tumigil noong 1955 nang magpakasal sila ni Ninoy, na noon ay nagsisimula pa lamang maging isang pulitiko.
Biniyayaan sina Ninoy at Cory ng mga anak na sina Maria Elena (Ballsy), Aurora Corazon (Pinky), Victoria Eliza (Viel), Benigno III (Sen. Noynoy), at Kris.
Sa pagkamatay ni Ninoy noong 1983, nagsimula si Cory na maging lider ng oposisyon, kapalit ng kaniyang kabiyak, laban sa diktadura ni Marcos. Napatay si Ninoy sa Manila International Airport (NAIA ngayon) matapos siyang umuwi dito mula sa Estados Unidos, pagkaraan ng 7 taong “exile”.
Walang sino man ang nakasapantaha na magiging Pangulo si Gng. Aquino, ang unang babae na namuno sa bansa matapos mapabagsak si Marcos sa isang pag-aalsang popular na sinuhayan ng Hukbong Sandatahan noong 1986.
Nang manawagan si Marcos ng halalang Pampanguluhan noong 1985, naging kandidato si Gng. Aquino ng nagkaisang oposisyon. Bagaman naiulat na natalo siya kay Marcos sa bilangan, hindi naman kumbinsido ang mamamayan sa naging resulta ng halalan dahil laganap ang mga ulat tungkol sa pandarayang naganap sa iba-ibang lugar sa bansa.
Hindi nagtagal, pati matataas na pinuno ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, na noon ay sunod-sunuran kay Marcos, ay nagsabing naging malawak nga ang pandaraya. Nagsimula ang panawagan mula sa militar na magbitiw na si Marcos, at kabi-kabila na ang nagpapahayag na si Gng. Aquino ang tunay na nagwagi sa halalan.
Noong ika-25 ng Pebrero 1986, kapwa nanumpa sina Gng. Aquino at Marcos bilang Pangulo ng Republika sa magkaibang lugar sa harap ng kani-kanilang mga taga-suporta. Ngunit nang araw ding iyon, umalis na sa bansa si Marcos.
Marso 1986, itinalaga ni Pangulong Aquino ang isang komisyon na lilikha ng Saligang Batas. Pagkaraan, ang Saligang Batas na ito ay pinagtibay ng 70% ng botanteng Pilipino.
Sa kabila ng suporta ng malawak na mamamayan, dumanas ng krisis kabuhayan at kahirapan ang kaniyang pamamahala, na lalong pinalala ng umiigting na rebelyong komunista, at kudeta ng militar.
Nakilala ang kaniyang pamahalaan sa sunod-sunod na kudeta militar, “black out”, at Mendiola massacre.
Ayon na rin kay Gng. Aquino, bago siya napasok sa pulitika, isa lamang siyang karaniwang maybahay na kuntento nang pagsilbihan ang asawa, anak, at pamilya.

NTD Movement Pinalakas

Pagkain Edukasyon, Hanapbuhay. Salamin ng mahusay na paglilingkod bayan.

Sa nakaraang maraming mga taon, lalo na sa huling tatlong taon, mula 2007 hanggang sa kasalukuyan, ay hindi nagkaroon ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mamamayan. Marami pa rin ang mahirap, marami pa rin ang hindi kumakain ng sapat sa maghapon.

Dahil dito, nagpasiya ang Partido ng Nagkakaisang Mamamayan o UCC na muling buhayin at lalong palakasin ang NTD Movement at langkapan ito ng mga programang tutulong at magpapaunlad ng mga komunidad sa ikalawang distrito ng lungsod.

Sa pag-aaral ng Partido, tatlo ang pangunahin at mahalagang pangangailangan ng pamilya, ang pagkain, edukasyon, at hanapbuhay.

Dahil sa mga nabanggit, ang bawat manggagawa ay nagpapakakuba at halos magpakamatay sa pagkayod araw-araw.

Hindi mabubuhay at hindi rin uunlad ang isang komunidad kung laganap ang gutom, kamangmangan, at kawalan ng trabaho sapagkat magiging talamak din ang nakawan, patayan, at masasamang bisyo. Sa paglaganap ng malulubhang karamdaman, mawawalan ng saysay ang lahat.

Nagsimula at matatapos ang panunungkulan ng Pangulong Arroyo sa loob ng isang dekada, at sa kabila ng pag-angkin niyang higit na maganda ang katayuan ng ating bansa kung ihahambing sa 2001 o 2004, higit na marami ang nagsasabing naghihirap pa rin ang mamamayanan, at nagugutom pa rin ang sambayanan.

Ang kalagayang ito ng kahirapan at kagutuman ang nagtutulak sa Partido upang lalong paghusayin ang paglilingkod sa bayan.

Sa tingin ng Partido, walang silbi ang alinmang gobyerno o pinuno nito kung hindi naman niya nagagawang baguhin ang kahirapan sa mga komunidad. Lubos ang paniniwala ng Partido na maraming pwedeng gawin ang isang halal na pinuno sa dalawa o tatlong taon sa tungkulin.

Marami sa mga pamilya ay lubog sa kahirapan. Marami sa kanila ay isa o dalawang ulit lamang kumakain sa maghapon. Ang kanilang mga anak ay hindi makapag-aral. Marami ang namamatay sa sakit dahil hindi maipagamot.
Pagkain, edukasyon at hanapbuhay, iyan ang pangangailangan sa maraming tahanan, iyan ang pangangailangan sa mga barangay, at iyan din ang makakapagpaunlad sa Caloocan.

Palagi nating naririnig ang mga pagnanakaw ng ilan sa pamahalaan, at umaabot ito sa bilyong bilyong piso.

Ngunit bihirang pagkakataon nating marinig kung may nagtangka na ibaba ang presyo ng bigas, asukal, noodles, de lata, mantika, at itlog.

Bihira din natin marinig na may nagtangkang pabababain pa kundi man tuluyang maging libre ang pag-aaral, uniporme, libro, at mga school projects.

Nakakatuwang marinig na may mangilan-ngilang nakikinabang sa Philhealth, ngunit nakalulungkot din dahil ilan pa lamang ang benepisaryo nito.

Higit na nakalulungkot din ang kalagayan ng mga naghahanap ng trabaho at naghahanap ng puhunan para sa hanapbuhay.

Tila ba ang kanilang pag-asa ay burado na sa kasaysayan.

Mababawasan lamang ang kahirapan at kagutuman ng bayan kung ilalaan ng gobyerno ang pondo nito sa pagkain, edukasyon, at hanapbuhay ng mamamayang Pilipino. Tunay ang kaunlaran kung ang lahat ay makikinabang.

MAHIRAP PA RIN SI JUAN

“At the end of this speech, I shall step down from this stage, but not from the presidency. My term does not end until next year, until then, I will fight for the ordinary Filipino. The nation comes first. There is much to do as head of state—to the very last day.”

Ito ang huling bahagi ng talumpati ng Pangulong Arroyo sa SONA noong ika-27 ng Hulyo 2009.

Inilarawan niya ang walang patid na paglago ng ekonomiya ng bansa sa loob ng 99 na buwan at paglobo nito sa 186 milyong dolyar sa loob ng halos 9 na taon.

Ngunit iba ang kapalaran ni Juan. Mahirap pa rin si Juan.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Ayon sa datos ng Pamahalaang Arroyo sa taong 2007-2009, pinakamababa ang “inflation” o tantos ng bilihin o presyo ng mga serbisyo at produkto ngayon sa loob ng nakalipas na 22 taon. Pumatak ito ng limang bahagdan (5%) lamang ngayong 2009, noong 2008 ay 9.3%, at 2.8% sa 2007.

Ang presentasyong ito ay sadyang pinaganda sa paningin. Ngunit ang “kagandahan” nito ay bunga ng matarik na pagbagsak ng mga produktong petrolyo at nagresulta ng “negative inflation” o -5.6%, na naging dahilan ng pagsadsad ng pangkalahatang tantos ng inflation sa 2008-2009.

Bumaba man ang mga produktong petrolyo, ang mga produkto at serbisyo tulad ng pagkain, inumin, at mga katulad, ay tumaas naman (+3%) at hindi na muling bumaba sa kaparehong panahon (2008-2009).

Ang mga produktong petrolyo ay karaniwang ginagamit ng mga may kaya at may-ari ng mga sasakyan, pagawaan, pabrika at malalaking establisimyento, samantalang ang mga pagkain at kaugnay na produkto at serbisyo, ay binibili ng lahat.

Ang mababang “inflation” ngayon na ipinapasikat ng Pamahalaang Arroyo ay karaniwang pumapabor sa mga malalaki ang “purchasing power” dahil ang mga produktong kailangang kailangan ng mga mahirap ay hindi naman bumababa pa kahit sumasadsad na ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Dahil sa bulag na patakaran ng pagbubuwis at maka-mayamang pamamahala.

Lahat ng bilihin ay may buwis. Lahat ng income na mataas lang ng konti sa minimum wage, meron ding buwis.

Pumapatong ang halaga ng buwis sa aktwal na halaga ng mga bilihin. Bumabawas ito sa aktwal o tunay na tantos ng “purchasing power”, lalo na ng mga mahihirap. Sa pagbaba ng “purchasing power”, nababawasan din ang dami ng mabibiling paninda at serbisyo, na ginagawa ng mga pagawaan at establisyemento, kung saan nagtatrabaho ang mga manggagawa at empleyado. Walang produksiyon, wala ring trabaho, at lalong walang makukulektang buwis ang pamahalaan.

Sa mga sunod-sunod na “survey” na inilabas sa antas rehiyong Asya, at mga “survey” na inilabas mismo sa loob ng bansa, tinuturing na lubhang talamak ang “corruption” o pagnanakaw sa kaban ng bansa. Ang kaban na ito ay mula sa mga direkta at di-tuwirang buwis na kinakatas mula sa “purchasing power” ng mamamayan, at karamihan sa kanila ay mamamayang mahihirap.

Sa pagnanakaw sa kaban ng bansa, tiyakang nababawasan ng mga pagawain at serbisyo ng pamahalaan na makakaapekto din sa mahihirap, at makakadagdag lalo sa kahirapan ng mga dati nang mahirap.

Dahil bahagi ang mga mahihirap sa kinukunan ng buwis sa lahat ng bagay na binibili nila, nararapat na i-”empower” ang mga mahihirap na ito sa lahat ng lugar at antas ng pamahalaan, lalo na sa pagsasagawa ng pagawaing bayan, o pamamahagi ng serbisyo ng pamahalaan. Hindi sapat na bibilhin lamang ang kanilang boto tuwing halalan, at pipirma sa mga “attendance form” na ilalakip upang ma-“liquidate” ang isang nagastos mula sa kaban ng pamahalaan.

Nararapat ma-institutionalized at dagdagan ang papel ng mahihirap liban sa pagiging “laborer” sa mga proyekto, at sanayin sila at i-obliga sukdulang swelduhan sila para manghuli ng magnanakaw sa pamahalaan. At pahintulutang gawin sa mga nahuling ito ang karaniwang ginagawa sa mga nahuhuling holdaper o “snatcher”. Binubugbog muna ng mga tambay bago ipadala sa presinto, at bubugbugin muli sa loob ng presinto.

Dahil sa mataas na matrikula, magastos na project, at hindi lapat na edukasyon sa tunay na pangangailangan ng bansa.

Palasak na ang mga datos na sa mga nag-“enroll” ng elementarya, ilan lamang ang nakatatapos, at mapalad ang umabot ng “high school” dahil sa hirap ng buhay. Nabibilang na lang sa daliri ang porsyento ng nakatutuntong sa kolehiyo, lalo na ang nakapagtatapos dito. Hindi na tinatanggap bilang “janitor” pag hindi “graduate” ng “high school”, hindi na rin tinatanggap sa pwesto ng Xerox at tindahan ng “softdrinks” pag hindi tapos ng elementarya.

Maraming walang diploma dahil marami ang walang pera. Mas konti ang pinag-aralan, mas maliit ang opurtunidad na makakuha ng trabahong ang sweldo ay sapat para mabuhay sa isang araw.

Ang lahat ng mapalad na nakapagtapos ng kolehiyo ay kailangang mag-aral uli dahil hindi naman sapat ang mga natutunan sa mga kolehiyo at unibersidad. Ayaw ng mga empresa at opisina ang diploma lamang sa kolehiyo, kailangan pa nila ang panibagong yunit ng espesyalisasyon, o kaya ay matataginting na karanasang hindi bababa ng anim na buwan.

Ang diploma sa kolehiyo ay katumbas lamang ng minimum wage o mas mababa pa, lalo na kung wala kang “backer” sa paghahanap ng trabaho. Mas mayaman ang pamilyang pinanggalingan, mas magandang trabaho ang mapapasukan.

Sa bandang huli, karaniwang “end-o” (“end of contract”) ang kapalaran ng marami pagkaraan ng lima o anim na buwan sa pinasukang trabaho.