Friday, July 10, 2009

PANININDIGAN ng Partido

DIVERSITY. Naniniwala ang Partido na lahat ng bagay at tao ay magkakaiba, ngunit magkakaugnay. Mataas ang paggalang at pagkilala ng Partido sa mga pagkakaibang ito. Mula sa ganitong kalagayan, higit na maraming bagay ang maaaring ipagkaisa ng bawat isa sa lahat, at higit na malalim ang dahilan upang patuloy ang pakikipag-ugnay ng lahat, mula sa bawat isa.

INTEGRITY. Hindi lamang tumutukoy sa pagitan ng mga kasapi ng Partido, kundi sa buong sangkatauhan bilang sandigan ng taos at wagas na paglilingkod, lalo na sa mga mahihina, walang kaya, at mahihirap. Kaalinsabay, pinaninindigan ng Partido ang pagsasakapangyarihan sa mamamayan, at umaasang lubos sa kanilang lakas at determinasyon.

VISION. Naniniwala ang Partido na ang paglilingkod ay hindi lamang para sa ating sarili at sa kasalukuyang panahon, malaking bahagi ng paglilingkod ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng ating mga anak at inapo. Nilalabanan ng Partido ang pagiging makasarilli at lahat ng anyo ng pagkasakim o pag-iimbot sa lahat ng antas at panahon, dahil naniniwala ang Partido na ang mga ito ang pangunahing hadlang sa ganap na kapayapaan at pag-unlad ng mga komunidad. Alinsunod ito sa karapatan ng bawat mamamayan sa ganap at makatotohanang paglahok sa pamamahala at pagpapasiyang pampulitika at pangkabuhayan.

INITIATIVE. Mangunguna ang Partido sa mga gawaing makapagpapaunlad ng bawat kasapi at mamamayan na nakasandig sa pagsisikap ng bawat isa, sa paniniwalang ang lahat ng pangarap tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng bawat pamayanan ay nakaasa sa determinadong pagsisikap ng bawat isa.

NOBILITY. Magiging halimbawa ang Partido sa pagsusulong ng mga alintuntuning mangangalaga at magtatanggol sa dignidad ng sangkatauhan, kagandahang asal, pagiging magalang, mataas na moralidad sa lahat ng sandali, at lalabanan ang lahat ng pagsisikap na yurakan o maliitin ang mga ito.

ADVANCEMENT. Naniniwala ang Partido na ang kaunlaran ang sandigan ng tunay na kapayapaan. Isusulong at ipagtatanggol ng Partido ang lahat ng pagsisikap upang mabigyan ito ng katuparan. Lalabanan ng Partido ang lahat ng hakbanging magbabalewala sa pagsisikap na ito. Ipatutupad ng Partido ang mga programa sa seguridad ng panirahan, hanapbuhay at pagkakakitaan, pagkain, kalusugan, pagpapaaral, at pangangalaga ng kalikasan.

No comments:

Post a Comment