Thursday, July 23, 2009

Sona 3

Ang panayam ng mga Kagawad ng Sona 3 kay Atty. NILO DIVINA na ginanap noong ika 22 ng Hulyo 2009 sa Barangay 27. Ang pulong ay pinangunahan ni Kag. Antonio Pajar at ng kaniyang maybahay.

Dumalo sa pulong ang mga kagawad ng iba-ibang barangay sa Sona 3. Nagkaroon ng "open forum" at tinalakay ni Atty. Divina ang hinggil sa pag-"review" ng mga nararapat na benefits sa mga kawani at pinuno ng mga barangay, upang higit nilang mapaglingkuran ang mamamayan, at makaagapay sa pagpapaunlad ng mga pamayanan.

Tuesday, July 21, 2009

Sona 10

“Habang maraming naghihirap at nagugutom sa Caloocan, marami pa ring pwedeng gawin” ayon kay Atty. NILO DIVINA nang tinukoy niya ang mga dahilan upang higit na pag-ibayuhin ng mga pinuno sa komunidad at pamayanan ang paglilingkod sa isang pulong ng mga Punong Barangay sa Sona 10 na ginanap noong ika-20 ng Hulyo 2009 sa MagicLand, sa Biglang Awa. Aniya pa, habang mayroong mga tao na nagnanais iangat ang kalagayan ng mamamayan, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang taong bayan lalo na sa gitna ng kasalukuyang pandaigdigang krisis.

Naging panauhin din si G. Egay Erice, dating Congressman ng Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Caloocan. Binigyang diin ni G. Erice ang kahalagahan ng mga Punong Barangay sa matatag na pagkakaisa ng buong pamayanan tungo sa isang layunin.

Sa kalagitnaan ng pagtitipon, dumating ang Punong Lungsod Enrico “Recom” Echeverri at ibinalita sa lahat ang nalalapit nang pagpapatayo ng isang makabagong Sports Center na mayroong kapasidad na 5,000. Aniya, ang imprastrakturang ito ay mahalaga upang muling sumigla ang kabuhayan ng mamamayan sa lugar na pagtatayuan, na sa kasalukuyan ay mga abandonadong gusali sa Sona 9.

Isang “open forum” ang isinagawa pagkatapos magsalita ng Punong Lungsod at naging masigasig ang lahat sa pakikibahagi sa talakayan.

Dumalo sa pagtitipong ito sina Punong Barangay Aurelio Biluan (Brgy 107), Rowena Cabal (108), Domingo Ade Notario Jr. (109), Ronaldo Bolival (110), Jesus Palomata (111), Pacifico Corpuz (112), Armando Estoesta (113), Arturo Manabat (114), Rodel Robles (115), Cipriano Roscano (117), Proly Bolo (118), Donato Magat (119), at Punong Barangay Jose Cabardo (120).

Ang pagtitipon ng mga Punong Barangay ng Sona 10 ay pinangunahan ng Zone Chairman PB Donato Magat at Kalihim nito na si PB Rowena Cabal.

Kaugnay pa rin ng pagtitipong ito, nauna na silang nagkita-kita nang nakaraang araw sa kaarawan ni PB Armando Estoesta kung saan dumalo din ang mga nasa itaas noong ika-19 ng Hulyo. Naging panauhin sa kaarawan sina Atty. Divina at G. Erice.











Sulo Hotel

“Hindi ko hahayaang maagrabyado ang mga Barangay. Ang paglilingkod sa mamamayan ay hindi sa paraang paboritismo. Maliit o malaki ay dapat mabiyayaan sa pondo ng bayan.” Ito ang pahayag na binitawan ni Atty. NILO T. DIVINA sa isang pagtitipon ng mga Zone Chairman at piling Punong Barangay na ginanap sa Sulo Hotel, Lungsod ng Quezon noong ika-17 ng Hulyo 2009.

Ang pagtitipon ay nagkataong kaarawan ni Punong Barangay (PB) Lodimer Claudio ng Barangay 39, na siya ring Zone Chairman ng ika-apat na Purok (Zone) ng Ikalawang Distrito, Lungsod ng Caloocan.

Dumalo ang mga Tagapangulo ng mga Purok na sina PB Mario Cajucom (Barangay 3, Zone 1), Raul Galit (Bgy 14, Zone 2), Lodimer Claudio (Bgy 39, Zone 4), Gerry Go (Bgy 53, Zone 5), Sixto Soriano (Bgy 65, Zone 6), Peewee Nicolas (Bgy 78, Zone 7), Deo Bustillos (Bgy 100, Zone 9), Donato Magat (Bgy 119, Zone 10), at Punong Barangay Wilmilson Amoyo (bgy 130, Zone 11).

Dumalo ang mga piling panauhing Punong Barangay na sina Punong Barangay Delfin Zamora (7), Lenny Binuya (9), Jackie Carlos (11), Conrado Cruz (Bgy 12), Rolly Mercado (16), Rosa Justo (20), Alfredo Miguel (26), Alejandro Fernandez (32), Greg del Rosario (33), Roseller Arcadio (34), Enrique Talub (36), Beato Año (38), Roy Teodoro (46), Ronaldo Escala (55), Zoilo Luis Bautista (60), Carol Cunanan (61), Nilo Miranda (62), Tobias Dimalaluan at kaniyang anak Kagawad Glenn Dimalaluan (73), Serafico Placer (74), Bernard Yuson (86), Albert Bañes (91), Melquiades Bonifacio Jr. (93), Alma Masangcay (98), Aurelio Biluan (107), Arturo Manabat (114), Jose Cabardo (120), at Punong Barangay Marcial Oliva (122).

Ang pulong na ito ay pinangunahan ni PB Conrado Cruz (Bgy 12), na tumayong Tagapagkilala, kasama ni PB Aurelio Biluan (Bgy 107) sa pagtitipong iyon.

Wednesday, July 15, 2009

Sona 8 at 9

“Gusto kong malagay sa mapa at kilalanin ang Caloocan bilang isang payapang lungsod at lungsod na maunlad”. Ito ang pahayag ng panauhing pandangal na si Atty. NILO T. DIVINA sa pulong at salo-salo na dinaluhan ng mga Punong Barangay ng Sona 8 at 9 na ginanap noong ika-15 ng Hulyo 2009 sa Orient Pearl Restaurant sa lungsod na ito.

Ayon pa kay Atty. Divina, susi sa kaniyang hangarin para sa lungsod ang walang kapagurang pagsisikap na makapaglingkod sa kanilang nasasakupan ang mga Punong Barangay.

Dumalo ang mga Punong Barangay ng Sona 8 na sina PB Bernardo Yuzon ng Barangay 86, Albert Bañez (ng Barangay 91), at “Sonny” Bonifacio ng Barangay 93.

Dumalo mula sa Sona 9 ang mga Punong Barangay na sina PB Lydia Mesina (94), Rolito Nunag (95), “Lito” Rubio (96), Alma Masangcay (98), Antonio Danganan (99), Deo Bustillos (100), Macario Ferrolino (101), Nestor Foronda (102), Harris Cheng (104), at “Tess” Pablo ng Barangay 105.

Umaasa ang lahat na ito ay simula lamang tungo sa higit na mabunga at kapaki-pakinabang na pagtutulungan.

Sona Dos

“Ang tuloy-tuloy at ganap na pag-unlad ng mga barangay ay magiging katotohanan kung may pagkakaisa, laging nagkakaugnay, at nagtutulungan”, ito ang pahayag ng mga Punong Barangay ng Sona Dos sa Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Caloocan sa pagtatapos ng kanilang pulong at talakayan sa ginanap na munting salo-salo noong ika-14 ng Hulyo 2009 sa Barangay 17.

Inaanyayahan sa pulong na ito si Atty. NILO T. DIVINA bilang panauhing pandangal. Pinuri niya ang mga inisyatiba ng mga Punong Barangay ng Sona Dos upang lalong mapahigpit at mapalalim ang kanilang ugnayan at pagtutulungan. Aniya pa, susi ang mga Punong Barangay sa pagsasakatuparan ng kanilang hinahangad na kaayusan at kaunlaran.

Sinabi rin ni Atty. DIVINA, na lalong mapahuhusay ang serbisyong natatanggap ng mga nasasakupan kung palagian din ang pakikiugnay sa Pamahalaang Lungsod at iba pang kinatawan ng Pamahalaan. At sa huli, binigyan niya ng diin ang kahalagahan ng tungkulin ng isang Punong Barangay .

Dumalo sa pulong talakayan na ito sina Punong Barangay Raul Galit ng Barangay 14, “Ricky” Santos (Brgy 15), “Rolly” Mercado (16), “Buboy” Bernardo (17), “Coach” Nadurata (18), Rosa Justo (20), Joseph Mapue (21), “Carding” Bagus (22), Rodolfo Bustamante (23), at “Benny” Sayo ng Barangay 24.

Tuesday, July 14, 2009

Akbayan

Pinangunahan ni Atty. NILO T. DIVINA ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na pinuno ng Kapit Kamay Tungo sa Pag-unlad (KKTP), isang samahang progresibo na kinabibilangan ng mga lider pamayanan sa Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Caloocan. Si Atty Divina ang napiling Panauhing Pandangal ng nasabing samahan.

Ang KKTP na kasalukuyang pinangunguluhan ng bagong halal na Pangulo nito na si G. Manuel Morante, dating Kagawad ng Barangay 120, ay isang lokal na samahang kaugnay o kasanib ng AKBAYAN, isang multisektoral na lapiang pampulitika sa Kongreso.

Sa naging pahayag ni Atty. Divina sa kaniyang talumpati pagkaraan ng panunumpa sa tungkulin ng mga nahalal na pinuno, kinikilala niya ang malaking ambag ng AKBAYAN sa pagsusulong at pagtatanggol nito ng mamamayan sa larangan ng katarungang panlipunan, kapangyarihang bayan, at pagpapaunlad ng mga pamayanan. Lubos aniya ang kaniyang pakikiisa sa mga nabanggit na layunin.

Tinagubilinan din ni Atty. Divina ang mga pinuno at kasapi ng KKTP at AKBAYAN na patuloy na magkaisa at kumilos para sa mga nabanggit na layunin, lalo na
ang pagsusulong sa kapakanan ng mga maralitang mamamayan sa mga komunidad.

Dumalo din sa pagtitipong ito ang kasalukuyang Pangulo ng Akbayan Caloocan na si G. Antonio Magandi.

Kahirapan

Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Ayon sa datos ng Pamahalaang Arroyo sa taong 2007-2009, pinakamababa ang “inflation” o tantos ng bilihin o presyo ng mga serbisyo at produkto ngayon sa loob ng nakalipas na 22 taon. Pumatak ito ng limang bahagdan (5%) lamang ngayong 2009, noong 2008 ay 9.3%, at 2.8% sa 2007.

Ang presentasyong ito ay sadyang pinaganda sa paningin. Ngunit ang “kagandahan” nito ay bunga ng matarik na pagbagsak ng mga produktong petrolyo at nagresulta ng “negative inflation” o -5.6%, na naging dahilan ng pagsadsad ng pangkalahatang tantos ng inflation sa 2008-2009.

Bumaba man ang mga produktong petrolyo, ang mga produkto at serbisyo tulad ng pagkain, inumin, at mga katulad, ay tumaas naman (+3%) at hindi na muling bumaba sa kaparehong panahon (2008-2009).

Ang mga produktong petrolyo ay karaniwang ginagamit ng mga may kaya at may-ari ng mga sasakyan, pagawaan, pabrika at malalaking establisimyento, samantalang ang mga pagkain at kaugnay na produkto at serbisyo, ay binibili ng lahat.

Ang mababang “inflation” ngayon na ipinapasikat ng Pamahalaang Arroyo ay karaniwang pumapabor sa mga malalaki ang “purchasing power” dahil ang mga produktong kailangang kailangan ng mga mahirap ay hindi naman bumababa pa kahit sumasadsad na ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Dahil sa kawalan o kakulangan ng hanapbuhay o trabaho. Ang bilang ng OFW ay salamin ng bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas, dahil kaya sila nag-“abroad” ay dahil walang opurtunidad ang karamihan sa kanila dito sa bansa. Sa bilang ng mga OFW, na karaniwang nagmula sa mahihirap na pamilya o lugar, idagdag pa ang bilang ng mga Pilipino na aktwal na “un-employed” sa Pilipinas, iyon ang kabuuan ng “deficit” sa bilang ng trabaho na kinakailangang malikha upang humupa kundi man tuluyang mabura ang “un-employment rate”.

Ang tunay na “unemployment rate” ay “OFW + unemployed”. Sa patuloy na paglala ng “un-employment”, lalong tumataas ang tinatawag na “poverty incidence” o yaong itinuturing ang sariling mahirap ang buhay sa humigit kumulang limampong bahagdan (50%). Kawalan ng palagiang hanapbuhay ang dahilan.

Dahil sa bulag na patakaran ng pagbubuwis at maka-mayamang pamamahala. Lahat ng bilihin ay may buwis. Lahat ng income na mataas lang ng konti sa minimum wage, meron ding buwis.

Pumapatong ang halaga ng buwis sa aktwal na halaga ng mga bilihin. Bumabawas ito sa aktwal o tunay na tantos ng “purchasing power”, lalo na ng mga mahihirap. Sa pagbaba ng “purchasing power”, nababawasan din ang dami ng mabibiling paninda at serbisyo, na ginagawa ng mga pagawaan at establisyemento, kung saan nagtatrabaho ang mga manggagawa at empleyado. Walang produksiyon, wala ring trabaho, at lalong walang makukulektang buwis ang pamahalaan.

Sa mga sunod-sunod na “survey” na inilabas sa antas rehiyong Asya, at mga “survey” na inilabas mismo sa loob ng bansa, tinuturing na lubhang talamak ang “corruption” o pagnanakaw sa kaban ng bansa. Ang kaban na ito ay mula sa mga direkta at di-tuwirang buwis na kinakatas mula sa “purchasing power” ng mamamayan, at karamihan sa kanila ay mamamayang mahihirap.

Sa pagnanakaw sa kaban ng bansa, tiyakang nababawasan ng mga pagawain at serbisyo ng pamahalaan na makakaapekto din sa mahihirap, at makakadagdag lalo sa kahirapan ng mga dati nang mahirap.

Dahil bahagi ang mga mahihirap sa kinukunan ng buwis sa lahat ng bagay na binibili nila, nararapat na i-”empower” ang mga mahihirap na ito sa lahat ng lugar at antas ng pamahalaan, lalo na sa pagsasagawa ng pagawaing bayan, o pamamahagi ng serbisyo ng pamahalaan. Hindi sapat na bibilhin lamang ang kanilang boto tuwing halalan, at pipirma sa mga “attendance form” na ilalakip upang ma-“liquidate” ang isang nagastos mula sa kaban ng pamahalaan.

Nararapat ma-institutionalized at dagdagan ang papel ng mahihirap liban sa pagiging “laborer” sa mga proyekto, at sanayin sila at i-obliga sukdulang swelduhan sila para manghuli ng magnanakaw sa pamahalaan. At pahintulutang gawin sa mga nahuling ito ang karaniwang ginagawa sa mga nahuhuling holdaper o “snatcher”. Binubugbog muna ng mga tambay bago ipadala sa presinto, at bubugbugin muli sa loob ng presinto. “Joke” lang! Pero sana nga mangyari sa mga “buwaya” at “buwitre”, lalo na yaong kung makapagbulsa ay umaabot ng PhP 200M. Pero kahit sentimong mawala, ay pagnanakaw pa rin.

Dahil sa mataas na matrikula, magastos na project, at hindi lapat na edukasyon sa tunay pangangailangan ng bansa. Palasak na ang mga datos na sa mga nag-“enroll” ng elementarya, ilan lamang ang nakatatapos, at mapalad ang umabot ng “high school” dahil sa hirap ng buhay. Nabibilang na lang sa daliri ang porsyento ng nakatutuntong sa kolehiyo, lalo na ang nakapagtatapos dito. Hindi na tinatanggap bilang “janitor” pag hindi “graduate” ng “high school”, hindi na rin tinatanggap sa pwesto ng Xerox at tindahan ng “softdrinks” pag hindi tapos ng elementarya.

Maraming walang diploma dahil marami ang walang pera. Mas konti ang pinag-aralan, mas maliit ang opurtunidad na makakuha ng trabahong ang sweldo ay sapat para mabuhay sa isang araw.

Ang lahat ng mapalad na nakapagtapos ng kolehiyo ay kailangang mag-aral uli dahil hindi naman sapat ang mga natutunan sa mga kolehiyo at unibersidad. Ayaw ng mga empresa at opisina ang diploma lamang sa kolehiyo, kailangan pa nila ang panibagong yunit ng espesyalisasyon, o kaya ay matataginting na karanasang hindi bababa ng anim na buwan.

Ang diploma sa kolehiyo ay katumbas lamang ng minimum wage o mas mababa pa, lalo na kung wala kang “backer” sa paghahanap ng trabaho. Mas mayaman ang pamilyang pinanggalingan, mas magandang trabaho ang mapapasukan.

Sa bandang huli, karaniwang “end-o” (“end of contract”) ang kapalaran ng marami pagkaraan ng lima o anim na buwan sa pinasukang trabaho.

MASWERTE
tayo, dahil kung sakali mang sumakit na ang ulo natin sa kakaisip ng mga lunas sa dahilan ng kahirapan, nagkalat naman ang botikang bilihan ng gamot sa sakit ng ulo. Ngunit sa kabila ng pagkakaroon ng “cheaper medicine law” pinagtibay ng Kongreso noon pang 2008, mataas pa rin ang mga presyo ng gamot. Mahirap talagang maging isang mahirap.

Sunday, July 12, 2009

Byahe

Lubhang abala ang Pangulong Arroyo. Mula 2005 hanggang nitong Hunyo 2009, nakabuo na siya ng 52 byahe sa 30 bansa, at maaaring gumastos na ng humigit kumulang o mahigit na sa Dalawang Bilyong piso (PhP 2,000,000,000.00) mula sa kaban ng bayan.

Ayon sa mga datos mula sa COA, Senado at dyaryo, noong 2005 ang kabuuang gastos sa mga byaheng ito ay PhP 210,000,000.00. Lomobo ito sa PhP 482,000,000.00 noong 2006 o katumbas ng dalawampung porsyento (20%) ng kabuuang laang gugol ng Tanggapan ng Pangulo. Lalo itong lumaki pagsapit ng 2008 (PhP 800,000,000.00).

Nakabiyahe na siya ng 10 ulit sa US, 7 sa China, 7 sa Japan, 6 sa Malaysia, at 4 sa Brunei; tig-3 sa UK, South Korea, at Hongkong; tig-2 sa Mexico, Italy, Bahrain, at Dubai; at tig-1 sa mga bansang Cambodia, Singapore, Indonesia, Kuwait, France, Chile, Vatican City, Saudi Arabia, Macau, New Zealand, Australia, Switzerland, Peru, Qatar, Egypt, Syria, Russia, at Brazil.

Ayon nga kay G. Amando Doronila ng PDI, sa dami ng byaheng ito, ay umaalis ang Pangulong Arroyo ng 5 ulit sa isang taon papunta sa lahat ng kontinente liban sa Africa. Ayon pa sa kaniya, maaaring ang naipong “mileage credit” ay maging sapat na upang makatipon siya ng ilang tiket pa para sa panibagong byahe.

Ayon pa rin sa komento ng mga nagmamasid, walang alinlangang siya na ang pinakabyaherang Pangulo ng bansa mula nang maitatag ang Republika, at maaari pa ngang pinakabyaherang pinuno ng bansa sa buong mundo.

Ang mga byaheng ito ay nakatawag na ng pansin ng Komite sa Pinansiya ng Senado, at kung matutuloy ay isang pagtatanong-siyasat ang kanilang isasagawa.

Bomba

Sunod-sunod ang pagsabog ng mga bomba, at marami na ang napapatay at nasasaktan lalo na sa Mindanao. Maraming natatakot at nakakaramdam ng bangungot sa kasalukuyang mga pangyayari.

Una nang pinagtangkaan ang mga Tanggapan ng Ombudsman at Kagawaran ng Panakahan. Maraming nagsabi na pakana lamang ito ng Pamahalaang Arroyo. Ang mga pambobombang nakamamatay ay nagdulot ng kaguluhan, subalit ang nangyari sa bakuran ng Ombudsman at Panakahan ay nagpataas ng maraming kilay. Inaalam pa ang tunay na salarin sa lahat ng ito. At marami na silang naituro subalit hindi pa napatutunayan.

Ang sunod-sunod na pambobomba ay mga pamamaraan upang lumikha ng kaguluhan o kalituhan at kalagayang magbubunsod ng krisis, na gagawing dahilan upang magpatupad ng mga patakarang mapanupil mula sa Pamahalaan. Sa biglang tingin, maaaring wasto ang ganitong palagay, subalit alam ng marami, masyado itong bulgar at halatain.

Hindi rin matatawaran ang iniisip ng iba na ito ay isa lamang pangubli, panglibang o panligaw. Isang “diversionary tactics” mula sa mga tunay na usapin o pangyayari.

Halos kasabay ng mga pagsabog ang naiulat na rigodon sa Kabinete ng Pangulong Arroyo lalo na sa mga pinunong may kaugnayan sa patakarang pangseguridad. Ang lahat ng ito ayon sa dating Senador Franklin Drilon ay panimulang pangitain tungo sa pagpapatupad ng isang “emergency rule”.

Ayon pa rin sa kaniya, si G. Hermogenes Esperon na kasalukuyang pinuno ng PMS ay itatalaga bilang Kalihim ng Depensa, samantala, si Atty. Gilbert Teodoro ay ililipat sa Kagawaran ng Katarungan. Si Atty. Devanadera naman ay babalik bilang Solicitor General mula sa Kagawaran ng Katarungan.

Si G. Hermogenes Ebdane, katatalaga lamang bilang OIC ng DILG habang Kalihim pa rin ng DPWH, ay magiging permanenteng Kalihim na ng DILG. Dahil kay G. Ebdane, ang sapantaha hinggil sa paparating na “emergency rule” ay tila may basehan, ayon pa rin sa dating senador Drilon.

Bago nangyari ang mga ito, matagal nang umiiral ang usapin ng Con-Ass. Kaalinsabay ang pagtatangka ng mga kapanalig ng Pangulong Arroyo na subukan ang pagtitimpi ng mamamayan, at ng mga taimtim na nagmamasid. Pagkatapos ng inaasahang “pag-iisang dibdib” ng LAKAS at KAMPI, nagpahayag ng opinyon si G. Norberto Gonzales ng pagnanasa niyang ipanukala sa mga lider ng Kongreso, mga taong simbahan, at iba pang sektor ang pagtatayo ng isang Pamahalaang Rebolusyonaryo, na pamumunuan ng Pangulong Arroyo. Ang pahayag niyang ito ay bilang sagot sa lumaganap na espekulasyon hinggil sa pagtakbo ng Pangulo bilang Congressman sa Pampanga.

At ngayon nga, ang pagpapatibay ng “House Resolution 1109”. Mahuhusgahan ang bisa nito sa sa araw at oras ng huling SONA ng Pangulo, kung magiging ganap ang Con-Ass.

Ang pinakahuling pangyayari ay ang pagkakatalaga kay G. Ebdane bilang OIC ng DILG kapalit pansamantala ni G. Ronaldo Puno, na nakabakasyon ng dalawang linggo lamang. Sa karaniwang kalagayan, itatalaga bilang OIC ay ka-departamento rin, pero sa kalagayang ito, ay si G. Ebdane ng DPWH. Marami ang nagulumihanan. Tulad ng sinabi ng dating senador Drilon hinggil dito, “unusual” ito.

Nasa kontrol ni G. Ebdane sa ngayon hindi na lamang ang pagawaing bayan, kundi ang buong PNP, at ang lahat ng pamahalang lokal, kasama na ang mga pondo nila. Isa si G. Ebdane sa mga kilalang heneral na malapit sa pamilya ng Pangulong Arroyo.

Ang rigodon ng mga dating Heneral sa loob ng pamahalaan ng Pangulong Arroyo ang higit na nakakapangambang bombang sasabog sa hinaharap. Hinuhulaan nang mangyayari ito, at malapit nang mangyari, maging ng dating kakampi ng Pangulo, si Congressman De Venecia.

Higit dekada ang pinagsamahan nina Congressman De Venecia at Pangulong Arroyo bilang magkapanalig. Walang masamang maniwala sa kaniyang babala, o isaalang-alang man lang ang kaniyang mga “hula”.

Emergency Rule? Gloria forever? Malas kung magkatotoo, nagka-impyerno sa lupa.

Con-Ass

Kamakailan, nasaksihan ng buong bayan ang pagmamadali ng Mababang Kapulungan ng Kongreso upang pagtibayin ang “House Resolution 1109”, kung saan ang Kongreso ay magsisilbing isang “Constituent Assembly” o Con-Ass, na magtutukoy at magpapatibay ng pagbabago sa ating Saligang Batas.

Sapilitan ang naging proseso, dahil sa halip na isumite ang napakahalagang usaping ito sa serye ng masinsinang pag-aaral at talakayan sa loob ng Kapulungan, sinadya na lamang itong pagbotohan (viva voce) nang walang anupamang pagtalakay sa merito ng panukalang Con-Ass.

Sa kabila ng kulang dalawampong taon lamang ng ating Saligang Batas mula nang ito ay pagtibayin ng mahigit pitumpong bahagdan (76%), mula pa sa panahon ng Pamahalaang Ramos at Estrada, at hanggang sa kasalukuyan, ito ay walang tigil na napagdidiskitahan. Tila ba ang Saligang Batas na ito ay talamak sa pagkukulang, kundi man puno ng kamalian.

Sa Panahon ng Pamahalaang Ramos, sa pamamagitan ng PIRMA, nagpanukala itong palitan ang porma ng pamahalaan mula Panguluhan tungong Parlamentaryo, at tanggalin ang pagbabawal sa mga dayuhan hinggil sa lubos na pagmamay-ari ng lupa, at paglahok sa mga negosyong lokal na orihinal na nilalaan lamang sa mga Pilipino. Sa panahon ng Pangulong Arroyo, higit na pinalawak ang panukala sa pagbabago ng Saligang Batas. Idinagdag ang pagpapahaba ng panahon ng panunungkulan ng mga nahalal mula 3 hanggang 5 taon.

Sa kasawiang palad, lahat ng panukala sa pagbabago ng Saligang Batas ay hindi epektibong naipaliwanag o napagtalakayan. Dahil sa batbat ng mga kalabuan, lumulutang ang mga pangamba kung ano ang tunay na motibo sa lahat ng mga pagsisikap na baguhin o amyendahan ang Saligang Batas.

Kung mayroon mang matapat at sapat na dahilan upang baguhin ang Saligang Batas, nabigo itong lumapat sa kamalayan at kamulatan ng bayan, at patuloy na humahalo sa karambola ng mga pampulitikang panlilinlang at malisyosong motibo ang mga panukala.

Nasa sentro ng mga intriga ang Pangulong Arroyo. Seryoso ito dahil hindi na makatkat sa kaisipan ng mamamayan ang impresyon sa kaniya bilang mapanlinlang na timon ng kaniyang tungkulin, mula pa sa umano ay pag-agaw ng kapangyarihan mula kay dating Pangulong Estrada, pangako sa araw ng kamatayan ni Rizal na hindi siya tatakbo bilang Pangulo sa 2004, sa panahon ng krisis ng “Hello Garci” pagkaraan ng halalan, ang sunod-sunod na pagpapalabas ng mga kautusang naglimita sa mga karapatang sibil, malawak na korupsiyon at panunuhol, pag-abuso ng kapangyarihan, at marami pa. Anupat ang anumang pagsisikap na baguhin ang Saligang Batas sa panahon ng Pamahalaang Arroyo, ay mababahiran ng malisya ng patuloy at walang wakas na pag-iral ng panunungkulan ng Pangulong Arroyo at ng kaniyang mga tauhan.

Higit pang nagpasiklab ng pangamba ng mamamayan ay ang naging asal ng Mababang Kapulungan, na hindi man lang nagsaalang-alang na kailangan nilang ilinaw sa bayan unang-una, kung bakit kailangang baguhin ang Saligang Batas, at ikalawa, kung anong mahalagang pagbabago ang nararapat na maisakatuparan dito.

Liban sa mga binanggit na, kailangang tukuyin, mailinaw, at mapatunayan sa mamamayan na ang Saligang Batas na ito ay hindi na nga talaga nakatutugon sa itinakda nitong layunin, lalo na sa kapakanan ng nakararaming mamamayan. Matatandaang ang Saligang Batas na ito ay bunga ng isang makasaysayang pangyayari kung saan nilabanan at napabagsak ng sambayanan ang isang diktadurya, kung saan at kung kailan naabot ng sambayanan ang pinakamataas na antas ng pagkakaisa bilang isang lahi.

Kailangang tiyakin sa bayan na ang pagbabagong isasagawa, ay hindi magbubura o magbabalewala sa mga tagumpay na nakamit na, bagkus ay lalo pang magpapayabong nito sa susunod na mga salinlahi, ang katarungang panlipunan, kalayaang pampulitika at paniniwala, kapayapaan, katarungan at kaunlaran para sa mas marami, at hindi lamang para sa iilan.

PARAAN ng Pagsapi

>Kailangan labing-walong (18) taong gulang at pataas.

>Mamamayan ng ikalawang distrito (2nd District), Lungsod ng Caloocan.

>Makapagtapos ng “Saligang Pag-aaral ng Partido”.

>Rekomendasyon ng Pinuno ng Balangay o “Chapter” sa Barangay na tinitirhan upang maging Kandidatong Kasapi o “Candidate Member”.

>Paglahok sa lahat ng gawain ng Partido lalo na sa mga pagkakataong kinakailangan tulad ng kampanyan at halalan.

>Pagsang-ayon ng lahat ng kasapi ng Balangay na kinapapalooban upang maging ganap na Kasapi.

>Pagbabayad ng Butaw sa Pagsapi o “Membership Fee”, at iba pang butaw na pinagtibay o pagtitibayin ng Partido.

>Pinagtibay na “Panunumpa ng Ganap na Kasapi ng Partido”

Sa mga nagnanais na sumapi, makipag-ugnayan lamang at i-text ang: UCC(space)BUONG PANGALAN(space)EDAD(space)BARANGAY at i-send sa “celfon”: (SUN) +63 922 818 5507, (GLOBE) +63 927 592 1700, (SMART) +63 921 409 4165

Saturday, July 11, 2009

NILO T. DIVINA

Ang GABAY ng Partido. HIGIT SIYANG NAKIKILALA NANG BUUIN AT ITATAG NIYA ANG "NAGTATANGGOL, TUMUTULONG, DUMADAMAY (NTD) MOVEMENT" TAONG 2005, ISANG KILUSANG BAYAN NA MAY LAYUNING MAGLINGKOD AT KUMALINGA SA MGA PAMAYANAN.
BINUO RIN NIYA AT PINATATAG ANG PARTIDO NG MAMAMAYAN (UNITED CITIZENS OF CALOOCAN) TAONG 2006, UPANG BIGYANG TINIG ANG MGA PAMAYANAN, AT BIGYANG HUGIS ANG MGA PANGARAP NG MALAWAK NA SAMBAYANAN, NA MALAON NANG NAGHAHANGAD NG TUNAY NA KAUNLARAN.
BUNGA NG SARILI NIYANG PAGSUSUMIKAP, NAGTAPOS SIYA NG KURSONG BACHELOR OF ARTS IN BEHAVIORAL SCIENCE NOONG 1985 NA MAY KARANGALANG CUM LAUDE SA UNIBERSIDAD NG STO. TOMAS.
NATAPOS DIN NIYA ANG BACHELOR OF LAWS SA NASABING UNIBERSIDAD NOONG 1989 BILANG MAGNA CUM LAUDE, AT VALEDICTORIAN. DAHIL DITO, GINAWARAN SIYA NG PARANGAL BILANG RECTOR’S AWARDEE FOR ACADEMIC EXCELLENCE.

NAIPASA NIYA ANG PAGSUSULIT SA BAR BILANG ISA SA MGA NANGUNA SA PAGSUSULIT NOONG 1990, AT PINALAD SA IKAAPAT NA PWESTO. SINIMULAN NIYA ANG KARERA SA BATAS SA TAON DING ITO BILANG CLERK OF COURT SA REGIONAL TRIAL COURT NG LUNGSOD NG PASIG.

TAONG 1992 NANG MAGING ASSOCIATE ATTORNEY SIYA SA MISA CASTRO & ASSOCIATES LAW OFFICES. MULA RITO, NAITALAGA SIYANG CORPORATE SECRETARY NG PHILIPPINE CHARITY SWEEPSTAKES OFFICE, AT NAGING PINAKABATANG GENERAL MANAGER AT CHIEF LEGAL ADVISER NG AHENSIYANG ITO.

TAONG 1993, TINANGGAP NIYA ANG PAGIGING CONSULTANT NG EQUITABLE BANK, HANGGANG MAITALAGA SIYANG PINAKABATANG NAGING PANGALAWANG PANGULO NG NATURANG BANGKO. NANG MAGSANIB ANG EQUITABLE BANK AT PCIB, ITINAAS SIYA SA TUNGKULIN BILANG PINAKABATANG EXECUTIVE VICE PRESIDENT, CORPORATE SECRETARY, AT GENERAL COUNSEL.

NAISULAT NIYA ANG LIBRONG “HANDBOOK ON COMMERCIAL LAW”. NAGING BAR REVIEWER SIYA SA BATAS KOMERSIYO SA U.S.T. AT LEX REVIEW CENTER. MATAGAL DIN SIYANG NAGING GURO SA U.S.T., KUNG SAAN NAGTUTURO SIYA NG MGA BATAS HINGGIL SA KORPORASYON, NEGOTIABLE INSTRUMENTS, CREDIT TRANSACTIONS AT IBA PA.

TUMANGGAP DIN SIYA NG MARAMING PARANGAL AT PAPURI BILANG EKSELENTENG MAG-AARAL, ABUGADO, AT GURO.

SA KASALUKUYAN, MANAGING PARTNER SIYA NG SARILI NIYANG LAW OFFICE. KATUWANG NIYA ANG MGA NANGUNGUNANG ABUGADO SA BANSA SA IBA-IBANG LARANGAN SA BATAS, HUDIKATURA, PAMPAMAHALAAN, PULITIKA, AT PANGNEGOSYO. DALUBHASA SIYA SA LARANGAN NG BANKING & FINANCE, CORPORATE PRACTICE, TAKE-OVER, MERGER, ACQUISITION, REORGANIZATION, AT RE-STRUCTURING.

IPINANGANAK SIYA NOONG IKA-20 NG PEBRERO 1965, SA ROXAS, ISABELA. ANG KANIYANG MGA MAGULANG AY ANG DATI AT MATAGAL NANG PUNONG BARANGAY LANDO F. DIVINA NG BARANGAY 24, AT SI NANAY AURING, NA YUMAO NA KAMAKAILAN LAMANG (NOONG 2006).

Friday, July 10, 2009

LAYUNIN ng Partido

NAGTATANGGOL sa kapakanan at kinabukasan ng malawak na mamamayan, lalo na ang mga mahihina, walang kaya, at mahihirap. Nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan sa seguridad ng disenteng panirahan. Nagtatanggol sa kaseguruhan ng hanapbuhay at pinagkakakitaan ng mga manggagawang ama at ina at kabataan. Nagtatanggol sa hinaing ng mamamayan sa karapatan nila sa wasto at sapat na pagkain, gamot, edukasyon, at malinis na pamumuhay.

TUTULONG at tumutulong sa mga pagsisikap ng mamamayan na iangat ang kanilang sarili, at iligtas sa patuloy na pananalasa ng krisis sa kabuhayan at pulitika ng mundo. Tutulong sa pakikibaka ng mamamayan na pagaanin kundi man lubusang mapigil, ang epekto ng demolisyon sa mga komunidad. Tutulong at aagapay sa pagsisikap ng mamamayan na makatagpo ng trabaho, at magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan. Tutulong sa mga ahensiya ng pamahalaan, indibidwal na pilantropo, at mga relihiyoso at pribadong institusyon upang tugunan ang suliranin ng mamamayan sa pagkain, kalusugan, at pag-aaral.

DADAMAY at dumadamay sa mamamayan sa kanilang pagkakamit ng mapayapa, at maunlad na tahanan at pamayanan. Dadamay sa mga komunidad sa kanilang hinaing at pangangailangan sa pagawaing bayan tulad ng kalsada, kanal, inuming tubig, kuryente, malinis na hangin, at ligtas na komunidad. Dadamay sa mamamayan sa kanilang patuloy na pagkilos laban sa sunog at mga dahilan ng sunog, iligal na droga, at masasamang loob.

PANININDIGAN ng Partido

DIVERSITY. Naniniwala ang Partido na lahat ng bagay at tao ay magkakaiba, ngunit magkakaugnay. Mataas ang paggalang at pagkilala ng Partido sa mga pagkakaibang ito. Mula sa ganitong kalagayan, higit na maraming bagay ang maaaring ipagkaisa ng bawat isa sa lahat, at higit na malalim ang dahilan upang patuloy ang pakikipag-ugnay ng lahat, mula sa bawat isa.

INTEGRITY. Hindi lamang tumutukoy sa pagitan ng mga kasapi ng Partido, kundi sa buong sangkatauhan bilang sandigan ng taos at wagas na paglilingkod, lalo na sa mga mahihina, walang kaya, at mahihirap. Kaalinsabay, pinaninindigan ng Partido ang pagsasakapangyarihan sa mamamayan, at umaasang lubos sa kanilang lakas at determinasyon.

VISION. Naniniwala ang Partido na ang paglilingkod ay hindi lamang para sa ating sarili at sa kasalukuyang panahon, malaking bahagi ng paglilingkod ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng ating mga anak at inapo. Nilalabanan ng Partido ang pagiging makasarilli at lahat ng anyo ng pagkasakim o pag-iimbot sa lahat ng antas at panahon, dahil naniniwala ang Partido na ang mga ito ang pangunahing hadlang sa ganap na kapayapaan at pag-unlad ng mga komunidad. Alinsunod ito sa karapatan ng bawat mamamayan sa ganap at makatotohanang paglahok sa pamamahala at pagpapasiyang pampulitika at pangkabuhayan.

INITIATIVE. Mangunguna ang Partido sa mga gawaing makapagpapaunlad ng bawat kasapi at mamamayan na nakasandig sa pagsisikap ng bawat isa, sa paniniwalang ang lahat ng pangarap tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng bawat pamayanan ay nakaasa sa determinadong pagsisikap ng bawat isa.

NOBILITY. Magiging halimbawa ang Partido sa pagsusulong ng mga alintuntuning mangangalaga at magtatanggol sa dignidad ng sangkatauhan, kagandahang asal, pagiging magalang, mataas na moralidad sa lahat ng sandali, at lalabanan ang lahat ng pagsisikap na yurakan o maliitin ang mga ito.

ADVANCEMENT. Naniniwala ang Partido na ang kaunlaran ang sandigan ng tunay na kapayapaan. Isusulong at ipagtatanggol ng Partido ang lahat ng pagsisikap upang mabigyan ito ng katuparan. Lalabanan ng Partido ang lahat ng hakbanging magbabalewala sa pagsisikap na ito. Ipatutupad ng Partido ang mga programa sa seguridad ng panirahan, hanapbuhay at pagkakakitaan, pagkain, kalusugan, pagpapaaral, at pangangalaga ng kalikasan.

SIMULAIN ng Partido

NILULUGAMI man ang mamamayan sa patuloy na araw-araw nilang laban, sa gitna ng maraming kalituhan, ay nagpipiga ng lakas para makakain ng tatlong ulit maghapon, mula pagsikat, hanggang paglubog ng araw. At ang oras sa maghapon ay hindi sapat. Nasa kaibuturan din nito ang hindi matapos-tapos na suliranin ng kahirapang laganap pa rin sa mamamayan. Anupat sa mga nagdaang kilusang bayang nakibaka sa ganitong layunin, tila hindi pa matanaw ang pag-asa ng paglaya mula sa kagutuman.


IBINASURA man ng mamamayan ang mga nagdaang kaisahan na tila hindi nakaigpaw sa sarili nitong mga suliranin, panloob man o panlabas, ay hindi naman nararapat na mawalan ng loob sa panibagong pagkakaisa, lalo na kung ang kaisahan sa hinaharap, ay patungo rin sa mga layuning niluma na ng panahon. Kung saan ang kahirapan ng bayan, at ang kagutuman ng mamamayan, ay naririyan pa rin.


LABIS-LABIS man ang naging pagkaunsyami ng mamamayan sa mga nahalal na pinunong bayang pambansa at lokal, ay kakambal naman ng pag-asa nila sa magiging ambag ng bawat isa tungo sa pagkaganap ng matagal na nilang inaadhika.


ORGANISADO man o ispontanyo, ang gawain sa PAGKAKAISA ay hindi nilulumot at isinaisantabi. Bagaman ang mga pagkilos ay nababalam sa maraming dahilan, ang pag-asa sa kaganapan ng KAUNLARAN ay hindi naglalaho. Na kung may katugunan man ang gutom at hirap ng bayan, ay tayo ang makasasagot. Na kung patuloy man ang pagkayupapa ng mamamayan sa kawalang pag-asa, ay tayo rin ang makapagsusuhay ng kanilang mga pag-asa.